-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Itinuturing na himala ng mga taga-Pakistan ang pagkakaligtas ng isang mechanical engineer sa nangyaring plane crash noong Biyernes kung saan 97 katao ang nasawi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Jeanie Cercado, overseas Filipino worker sa Islamabad, Pakistan, sinabi nitong kinumpirma ng surviving passenger na si Mohammad Zubair na nagbigay ng warning ang piloto sa intercom na may problema sa kanilang landing.

Ayon kay Cercado, sinabi pa raw ni Zubair na ang flight PK8303 ay nag-take off sa Lahore at wala namang problema hanggang magsimula ang descent nito malapit sa Karachi.

Tatlong landing attempts na ang ginawa ng piloto ngunit muli itong nag-take off, ayon kay Zubair.

Isang malakas na pagsabag aniya ang kanyang narinig at pumasok sa kanyang instinct na kunin ang kanyang seatbelt nang makita ang apoy.

Sinundan naman umano ng engineer ang liwanag na kanyang nakita hanggang nakatalon ito sa taas na 10 feet kung saan siya nawalan ng malay at nakagising na lamang sa ospital.

Ayon sa Bombo correspondent, miracle ang pagkakaligtas ni Zubair at labis naman ang kanyang pagpapasalamat kay Allah sa kanyang second life.