Napigilan ng militar ang plano pang pamomomba sa Sulu.
Ito’y matapos marekober ang nasa 700 kilo na ammonium nitrate sa ikinasang operasyon sa Barangay Latih, Patikul, Sulu nitong September 14.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu spokesperson Lt. Col. Gerard Monfort, isang residente ang nagbigay impormasyon sa 63rd Mechanized Company ng 1st Brigade Combat Team kaugnay sa suspected explosive device na inabandona sa isang bahay sa nasabing barangay na agad namang nirespondehan ng mga tropa.
Ang naturang kemikal ay siyang ginagamit ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkap sa paggawa ng improvised explosive device (IED).
Ang IED na gawa ng Abu Sayyaf ay may signatures ng ammonium nitrate.
Ayon pa kay Monfort, taktika na rin ng teroristang grupo na i-preposition ang kanilang mga pampasabog sa “outskirts” ng Jolo na nakahandang i-pick-up at ideliver ng ilang miyembro ng Abu Sayyaf sa kanilang mga target.
Ang pagkakumpiska sa 700 kilos na ammonium nitrate ay resulta ng pinalakas na opensiba ng militar laban sa teroristang ASG partikular ang grupo ni Hatib Hajan Sawadjaan.
Samantala, nakarekober din ang militar ng 81mm mortar fuse.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang mga indibidwal na nagtatago ng mga kemikal.
“The recovered items can be used as IEDs that could cause ttttremendous destruction beyond our imagination,” pahayag ni Lt. Col. Monfort.