Maaaring gamiting basehan para sa deportasyon ng mga dayuhang nagtratrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang pagkakaroon ng Sexually transmitted infection o sexually transmitted disease (STD).
Sinabi ni DOJ Assistant Secretary at Spokesperson Jose Dominic Clavano na ang pag-spread ng STD ay delikado at isa ito sa mga grounds para sa deportation.
Kasalukuyan na rin aniyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga report na natanggap ng ahensiya kaugnay sa hawaan ng STD sa POGO community.
Sa ngayon ay mayroong 372 na illegal staying na mga dayuhan na nasa kustodiya ngayon ng law enforcement authorities na pawang mga POGO workers.
Nakatakdang ipadeport na ang mga ito ngayong linggo o sa susunod na linggo pabalik ng kanilang bansa.
Gayundin, sinabi ng DOJ official na sinimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang kanselasyon ng mga visa ng nasa 48,482 empleyado ng POGOs kung saan nauna ng kinansela ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kanilang mga lisensiya.
Nagpaalala naman si Clavano sa mga dayhan na may cancelled visas na mayroon na lamang silang 60 araw para lisanin ang bansa kundi sila ay makukulong o ipapadeport.
Inamin naman ni Clavano na mayroong mga Chinese nationals na humingi ng tulong upang mailipat ang mga ito sa legal na POGO companies.
Kayat pinag-aaralan na rin ito ng Bureau of Immigration ang magiging proseso dahil mula ang mga ito sa illegal POGOs.
Sa ngayon, paliwanag ni Clavano na base sa umiiral na polisiya ng DOJ ang mga Chinese na mayroong canceled visas ay dapat na pabalikin na sa China at bumalik sa PIlipinas saoras na ang mga ito ay na-employed sa isang legal na POGO company.