Magpapakalat ang Police Regional Office (PRO-7) ng nasa 4,000 tauhan sa buong Central Visayas sa pagdaraos ng Semana Santa simula ngayong darating na Linggo.
Inihayag ni Police Regional Office-7 Spokesperson PLt. Col. Gerard Ace Pelare, na ipinag-utos ni PBGen Anthony Aberin, na suriin kung anong mga problema ang naranasan sa mga nakalipas na pagdiriwang ng Semana Santa upang magabayan ang kanilang paghahanda sa seguridad ngayong taon.
Ibinunyag pa ni Pelare na sinimulan na nila ng pagpaplano at pagsusuri at sinabing mas paiigtingin nila ang pagbabantay sa simbahan, mga tourist destinations at mga lugar na maraming tao.
Sisiguraduhin din ng pulisya na magiging maayos ang pagpunta ng mga biyahero sa mga terminal na uuwi sa kani-kanilang mga lugar.
Posible namang madagdagan pa ang bilang ng mga pulis na ide-deploy sa iba’t ibang lugar sa rehiyon dahil mayroon pang mga pagsasaayos at mga pagpupulong na gaganapin.
Sa linggong ito, magkakaroon ng skeletal deployment ang mga pulis at inaasahang magpapatupad sila ng full deployment kung nakitang kailangan na ito.
Samantala, sinabi ni Pelare na hindi pa umano makakaapekto sa imbestigasyon sa nangyaring Pamplona masaker ang pagkakaroon ng pagbabago sa namumuno sa Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO) kung saan pinalitan ni PCol Alex Recinto si PCol Reynaldo Lizardo bilang bagong provincial director.
Bahagi pa ito ng isinasagawang administrative reshuffle ng pulisya kung saan pansamantala namang inilalagay si Lizardo sa regional headquarters.
Ipinag-utos pa umano ni Aberin kay Recinto na resolbahin ang Pamplona massacre, kabilang ang mga nakaraang kaso ng pagpatay noong mga nakalipas na taon para mabigyan ng hustisya ang mga biktima at maibalik ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.