-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Tiwala ang ilang grupo ng magsasaka na mayroong kakayahan ang Pilipinas na makamit ang P20 na presyo para sa kada kilo ng bigas. Saad nito na mararating ng bansa ang layunin nitong mapababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, ipinaliwanag nito maaaring kunin mula sa Rice Competetiveness Enhancement Fund (RCEF) ang gagamitin na pondo para sa pagtatatag ng Masagana 99 Program, sapagkat ang pinaka-layunin ng RCEF sa ilalim ng Rice Tariffication Law ay upang magkaroon ng makabuluhang budget increase sa pagpapalakas ng pagiging produktibo ng mga magsasaka.

Gayunpaman, sa pagtataya nito ay kulang pa rin ang pondong inilalaan sa ilalim ng RCEF na siya namang magtatapos sa susunod na taon.

Kaya kung talagang nais ng pamahalaan na magkaroon ng sapat na pondo ang Masagana 99 Program, ay kinakailangang mapagtuunan ng pansin ang pagpapalawig sa Rice Tariffication Law (RTL) at Rice Competetiveness Enhancement Fund (RCEF) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tamang mga pagpapabuti at pagpapahusay sa mga mekanismo nito.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyan umiiral na RCEF ay maaari lamang i-subsidize ng pamahalaan ay ang inbred rice, samantalang hindi naman kabilang dito ang mga fertilizer o pataba.

Sa kabila nito ay mas pinipili ng ilan lalo na sa panahon ng dry season crop, ang magtanim ng high yielding hybrid seeds na mas angkop para sa mas mataas na produksyon ng bigas.

Kaya higit na kinakailangan ang pagkakaisa ng pamahalaan at Kagawaran ng Pagsasaka kung nais nitong makamit ang layunin sa pagsasabuhay ng Masagana 99 Program.

Kaugnay nito ay naniniwala din si Montemayor na kinakailangan nang matutukan ng pamahalaan ang iba’t ibang mga mekanismo at istratehiya sa pagtatanim ng higher yielding hybrid seeds sa mga sakahan sa bansa lalo na ngayong dry season.

Binigyang-diin nito na mahalaga ang pagkakaroon ng tama at produktibong mga binhi para sa mga Pilipinong magsasaka.

Aniya na malaki ang kanyang pagtitiwala sa tinatawag na “farmer’s choice”, kung saan ay mayroong kalayaan ang isang magsasaka na mamili sa pagitan ng paggamit ng hybrid seeds o inbred rice. Subalit ay kinakailangan namang makatiyak sa kahit alin sa mga ito ang piliing itanim ng magsasaka ay dapat na high yield pa rin ito.