-- Advertisements --
office workplace Bombo

Kinumpirma ngayon ng Occupational Safety Health Center (OSHC) ng Deparment of Labor and Employment (DOLE) na inirekomenda na nila ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) bilang isang health hazard sa mga workplace.

Sinabi ni OSHC Executive Director Noel Binag, nagbigay na raw sila ng kanilang ginawang pag-aaral sa Employees’ Compensation Commission (ECC) para kilalanin ang COVID-19 bilang health hazard.

Pero nilinaw naman ni Binag na may kaukulang kuwalipikasyon para maideklarang isang work-related disease ang covid.

Ikokonsidera rin kasi ang nature at exposure sa maraming tao ng isang manggagawa na maituturing na high risk sa nakamamatay na sakit.

Umaasa ang OSHC na tatanggapin ng ECC ang kanilang rekomendasyon at makapaglabas ng resolusyon tungkol sa naturang isyu.

Ito ay para na rin sa kaukulang benepisyo o kompensasyong maaaring makuha ng isang manggagawa sakaling tamaan ng COVID-19.

Posible naman umanong limitado o pili lang ang makakakuwalipika rito.