CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Schools Division Office (SDO) sa Ilagan City na walang kinalaman sa pamamahagi ng mga module, kundi dulot ng local transmission ng COVID (Coronavirus Disease), ang pagiging positibo ng 11 guro sa nasabing sakit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Gilbert Tong, schools division superintendent, sinabi niya na walang katotohanan ang kumalat na impormasyon.
Aniya, sa pamamagitan ng drop off point sa mga barangay bilang bahagi ng standard process sa pagbibigay ng mga module ay walang direktang pakikisalamuha ang mga guro sa mga mag-aaral.
Sa tulong ng mga opisyal ng mga barangay ay naipapamahagi ang mga module sa mga estudyante.
Tiwala rin si Dr. Tong na ligtas ang mga module na ibinigay sa mga mag-aaral sapagkat may mga sinusunod na health protocols ang SDO sa distribusyon ng mga ito.
Paliwanag nito, isinailalim sa 24 oras na quarantine ang mga learning materials bago ipinamahagi sa mga mag-aaral.
Maliban dito ay dumadaan din sa disinfection ang mga module upang matiyak na walang virus ang mga ito bago isagawa ang distribusyon.