-- Advertisements --

Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) sa publiko ang pagpapalawig sa validity period ng mga rehistrasyon ng motor vehicles at mga lisensya ng mga motorista na nakatakdang mag-expire ngayong araw, ika-30 ng Setyembre 2025.

Layon nito na magbigay ng dagdag na panahon sa mga motorista upang makapag-comply sa kanilang mga obligasyon.

Sa pamamagitan ng isang memorandum na inilabas ng LTO, malinaw na ipinabatid ang bagong deadline para sa pagpaparehistro ng mga sasakyan at pag-renew ng mga lisensya.

Ang orihinal na deadline ay pinalawig hanggang ika-3 ng Oktubre, 2025.

Tiniyak din ng LTO na walang anumang multa o karagdagang bayad na ipapataw sa mga motorista na mag-renew o magparehistro sa loob ng extended period.

Hindi lamang ang pagpaparehistro at renewal ang sakop ng extension. Kasama rin sa extension na ito ang 15-day period ng settlement para sa mga traffic apprehension cases, na nagbibigay ng karagdagang ginhawa sa mga motorista na may mga pending traffic violation.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang nasabing hakbang ay isang direktang tugon ng ahensya sa mga kanseladong araw ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at iba pang mga lugar na labis na naapektuhan at sinalanta ng Bagyong Opong, ang malakas na habagat, at ang mga bagyong Mirasol at Nando.