Simulan na ng pamahalaang bayan ng San Mateo sa Rizal ang paghuli sa mga nagmamaneho ng mga pedicab, e-bike, at e-trike na dumadaan sa General Luna Avenue na itinalagang National Highway.
Ito ay upang matiyak na maging ligtas ang kalagayan ng mga tsuper, pasahero at maging ng iba pang motorista na gumagamit ng lansangan.
Sa isang pahayag, sinabi ng lokal na pamahalaan ng San Mateo na ang hakbang na ito ay alinsunod sa inilabas na direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2022 hinggil sa bilang ng mga naitatalang aksidente na kinasasangkutan ng mga pedicab, e-bike, at e-trike.
Bilang tugon dito ay nagpakalat ang San Mateo LGU ng mga tauhan ng Task Force Disiplina.
Layon nitong i-divert ang mga e-bike at e-trike drivers sa secondary roads katulad ng Daang Bakal Road at MH Del Pilar Street bilang alternatibong ruta para sa kanila.
Samantalam, pinapayagan rin ang pagtawid ng mga ito sa kalsada basta malapit sa mga eskwelahan.
Bawal naman ang tuloy-tuloy at dire diretso na pagbagtas nito sa kalsada.
Papatawan naman ng dalawang libong piso na multa ang mahuhuling lalabag sa unang pagkakataon at ikalawa.
Revocation naman ng prangkisa ang ipapataw sa ikatlong paglabag.