Natagalan ang paghimay ng Senado sa mga panukalang nagsusulong ng mga hakbang para matugunan ng pamahalaan ang malaking problema na dulot ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Kahit nasimulan ito ng maaga, mahaba naman ang naging suspensyon ng special session dahil binalangkas pa ni Sen. Pia Cayetano ang version ng magiging function ng pamahalaan sa kinakaharap na problema.

Kanina ay naging isyu pa ang quorum dahil 12 lang ang dumating na senador.

Pero ayon Sen. Panfilo Lacson, valid na ito dahil hindi talaga maisasama sa bilang ng mga dadalo sa special session ang isa nilang miyembro na si Sen. Leila de Lima na nananatili sa PNP Custodial Center.

Sinabi naman ng minority senators na hindi sila nag-boycott sa naturang aktibidad.

Ilan sa kanila ang pinayuhan ng doktor na manatili sa bahay dahil sa self quarantine, tulad ni Sen. Risa Hontiveros na nakasalamuha ang ilang personalidad na posibleng na-expose sa COVID patient.

Si Sen. Franklin Drilon ay pinigilan din ng kaniyang doktor, habang hindi rin nakarating si Sen. Kiko Pangilinan.

Sa panig ng majority senators, hindi nakadalo sina Sen. Nancy Binay, Koko Pimentel at Imee Marcos.