-- Advertisements --

Gumawa ng panibagong hakbang ang gobyerno upang harangin ang pondo ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) makaraang ituring ito bilang isang terrorist organization ng Anti-Terrorism Council (ATC).

Pagpapaliwanag ni Justice Undersecretary Adrian Sugay na sa pamamagitan ng isinapublikong resolusyon ng ATC ay papayagan ang Anti-Money Laundering Counil (AMLC) na i-freeze ang bank deposits at iba pang assets ng CPP-NPA.

Ang tinutukoy ni Sugay ay ang Sections 35 at 36 ng Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020, na nagbibigay ng authorization sa AMLC na suriing mabuti ang pondo ng naturang grupo o mga indibidwal na babansagang terorista ng ATC.

Sa ilalim ng batas, maaaring maglabas ang AMLC ng 20-day freeze order sa lahat ng pagmamay-ari ng grupo at palawigin pa ng hanggang anim na buwan sa oras na aprubahan ito ng Court of Appeals (CA).

Saad pa ni Sugay, pwede ring gamitin ng AMLC ang kanilang authority upang himayin ang lahat ng accounts na may kaugnayan sa CPP-NPA sa ilalom ng Republic Act No. 10168 o kilala rin bilang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.

Ipinatupad ang naturang batas noong pinatigil din ng AMLC ang Bank of the Philippines (BPI) accounts ng Catholic church-run Rural Missionaries of the Philippines (RMP) ngayong taon base sa naging alegasyon nito na posibleng may koneksyon ang account ng RMP sa pagpopondo sa mga terorista.

Dahil dito ay ipina-deport noong 2018 ang Australian missionary nun na si Patricia Fox, dating coordinator ng RMP.