Reading Time: 1 minute

Hindi umubra ang matinding pagla-lobby ng malalaking negosyante laban sa isa sa mga reporma sa buwis na isinusulong ng Duterte administration.

Ito ang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, matapos na pumasa sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang Package 2 ng Comprehensive Tax Reform Program.

Sa ilalim ng ipinasang Corporate Income Tax and Incentive Rationalization Act (CITIRA), inaasahang aamiyendahan ang ilang bahagi ng Republic Act 8424 o National Internal Revenue Code of 1997.

Nagpasalamat si Salceda sa liderato ng Kamara dahil hindi ito nagpadaig sa lobbying ng malalaking negosyante kontra CITIRA para mapanatili lamang ang kanilang malaking kita at dividends.

“House overcomes big business to approve CITIRA the most significant econ legislation in 34 years,” ani Salceda.

“This measure is by far the most significant economic legislation with positive footprint on almost every sector of our economy – it sets the platform to pursue a better future for the next generation of Filipinos,” dagdag pa nito.

Iginiit ng kongresista na makakatulong ang panukalang batas sa paglago ng gross domestic product (GDP) ng hanggang 3.6 percent kada taon.

Kumpara sa 0.9 percent lamang na inaasahang maiaambag nito sa pagbilis ng inflation rate.

Sa ilalim ng panukalang ito, ang mga investments sa Metro Manila ay magkakaroon ng Income Tax Holiday (ITH) sa loob ng tatlong taon at karagdagang dalawang taong incentives.

Ang mga nasa lugar na malapit sa Metro Manila naman ay magkakaroon ng apat na taon na tax break at tatlong taon pang exemption.

Samantala, ang mga investors naman na papasok sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila ay tatanggap ng anim na taong ITH at apat na taon pang karagdagang tax perks.