-- Advertisements --

Natapos na ng United States Marine Corps ang paghahatid nito ng mga relief packs sa mga kababayan nating apektado ng kalamidad sa Davao de Oro bilang bahagi ng kanilang pagtulong sa humanitarian and disaster relief operations ng kasundaluhan sa ating mga kababayan.

Gamit ang dalawang KC-130J “Super Hercules” cargo aircraft ng US Marine Corps ay nakumpleto na nito ang paghahatid ng nasa mahigit 15,000 family food packs para sa mga apektado ng landslide sa naturang lalawigan.

Sa isang statement sinabi ni AFP Public Affairs Office chief Col. Xerxes Trinidad na ang presensya ng allied forces ng ating bansa ay nagresulta ng pag-asa at suporta sa mga Pilipinong apektado ng naturang kalamidad.

Ito rin aniya ay sumasalamin sa mas matibay na samahan at ugnayan sa Pilipinas at Estados Unidos partikular na sa mga ganitong uri ng pagkakataon.

Kaugnay nito ay nagpahayag din ng pasasalamat si AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa Amerika dahil sa tulong na ipinagkaloob nito sa mga relief operations sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad sa Mindanao.

Kasabay nito ay ipinunto rin ni Gen. Brawner ang kahalagahan ng prepositioning ng humanitarian assistance and disaster relief equipment, suplies, and relief goods sa Enhanced Defense Cooperation Agreement sites sa bansa lalo na sa susunod na mga panahon.