-- Advertisements --

congress1

All-set na ang paghahanda ng liderato ng House of Representatives para sa unang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos sa bukas, Lunes, July 25, 2022.

Kahapon ang mga empleyado, congressmen, iba pang mga attendees, PNP personnel ang sumailalim sa RT-PCR tests.

Mahigpit ang gagawing health screening sa lahat na mga dadalo sa SONA sa Batasang Pambansa Complex kung saan magbibigay ng kaniyang talumpati si Pangulong Marcos sa isang joint session ng Congress.

Ayon kay House Sergeant-at-Arms retired BGen. Rodelio Jocson, nagbigay na sila ng instructions kung ano ang dapat gawin at dadalhin sa araw ng SONA.

Pakiusap ni Jocson sa lahat ng mga attendees na istriktong sundin ang health protocol.

Aniya, hindi makakapasok ang mga hindi invited at wala sa listahan.

Simula nuong Huwebes at hanggang ngayong araw ng Linggo, nasa total lockdown ang Batasang Pambansa Complex.

Tanging mga essential workers na lamang ang pinapayagang makapasok sa loob ng complex.

Sinabi ni Jocson na wala silang namonitor na security threat sa SONA day, subalit giit ng opisyal nakahanda ang mga otoridad na tumugon sa anumang banta.

Kahapon ng umaga nagsagawa ng walkthrough ang mga opisyal ng Malacanang at PSG sa Batasan Pambansa.

Kahapon din ng hapon nag-inspection na rin ang film director na si Paul Soriano na siyang magdidirehe ng SONA ng pangulo.

Sa kabilang dako, sumailalim din sa RT PCR test ang mga tauhan ng Quezon City Police District na idi-deploy para sa SONA.

Naglabas na rin ng executive order si Quezon City Mayor Joy Belmonte na sinususpinde ang klase sa lahat ng lahat ng antas sa siyudad private man o public schools.