-- Advertisements --

Bahagyang nagdulot ng kalituhan sa panig ng isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang naging pagtatanong ni Senator-Judge Robin Padilla hinggil sa pagkakakilanlan ng indibidwal na nag-record sa video ni Vice President Sara Duterte.

Sa gitna ng pagdinig, hiningi ni Padilla ang testimonya ng umano’y taong nasa likod ng pagre-record ng naturang video upang masuri at ma-validate kung gaano katotoo ang hawak na video material.

Dahil dito, nagkaroon ng kalituhan sa panig ng testigong si NBI Agent Mark Calilung.

Lumalabas kasi na si Calilung ang mismong gumawa ng screen record sa video gamit ang isang application bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.

Gayunpaman, nilinaw sa pagdinig na ang aktwal na tinutukoy at hinahanap ni Padilla ay hindi ang nag-screen record, kundi ang mismong kumuha o nag-film sa orihinal na video ni VP Duterte upang matiyak ang kredibilidad ng ebidensya.