-- Advertisements --

Ipagpapatuloy ngayong araw ang paghahanap sa nawawalang eroplano na umalis kahapon sa Cauayan City Airport ngunit hindi nakarating sa paliparan sa coastal town ng Maconacon, Isabela.

Magko-convene ngayong umaga ang binuong grupo ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC) sa Tactical Operations Group (TOG) 2 ng Philippine Airforce (PAF) para sa pagsasagawa ng mountain search and rescue at aerial inspection sa dinaanan ng nawawalang single engine Cessna 206 plane na may tail number na RPC-1174.

Umalis sa Cauayan City ang eroplano 2:16pm kahapon at nakatakda sanang lumapag sa Maconacon, Isabela matapos ang 30 minutes na biyahe ngunit hindi nakarating sa paliparan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante Foronda, Provincial Public Safety Officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Isabela, sinabi niya na agad na isinagawa ang aerial surveillance sa nawawalang eroplano ngunit wala silang nakita.

Maliban sa isang piloto ay may lulan na limang pasahero ang eroplano nang lumipad kahapon.

Huling nagbigay ng location update ang piloto sa bahagi ng Naguilian, Isabela at ito na ang huling transmission ng eroplano.

Napag-alaman na hindi na bumiyahe ang ibang eroplano dahil may turbulence at pag-ulan sa dadaanang area ngunit tumuloy ang nasabing eroplano.

Una nang kinontak ng mga awtoridad ang ibang air strips na maaaring pinaglapagan ng eroplano ngunit walang lumapag na eroplano sa mga ito.

Nagsagawa na ng emergency meeting ang mga kasapi ng RDRRMC para sa search and rescue operations.

Kadalasang dinadaanan ng mga eroplanong patungo sa bayan ng Maconacon ang mga bayan ng Naguilian, City of Ilagan, Benito Soliven at San Mariano, Isabela.

Ayon kay Atty. Foronda malalawak ang mga bayang ito kaya nanawagan siya sa publiko na kung nakita man ang nasabing eroplano at kung saang direksiyon ito patungo ay ipabatid sa PDRRMO at iba pang awtoridad maging sa Bombo Radyo Cauayan.