Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa isa pang overseas Filipino worker sa Israel na napaulat na nawawala sa kasagsagan ng pagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.
Ito ang inihayag ni Pangulong Marcos Jr. kasunod ng pagpapalaya sa isa nating kababayan na si Gelienor “Jimmy” Pacheco na nabihag din ng naturang militanteng grupo.
Sa isang statement ay sinabi ng pangulo na nababahala pa rin ito sa kalagayan ng isa pang Pinoy sa Israel na si Noralyn Babadilla na napaulat na nawawala sa unang araw ng pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023.
Ayon sa pangulong walang pinalalagpas na anumang pagkakataon ang ating bansa upang hanapin at agad na i-secure si Babadilla sakaling isa s iya sa mga posibleng hawak na bihag hanggang sa ngayon ng Hamas.
Samantala, kaugnay nito ay patuloy namang ginagawang panalangin ni Pangulong Marcos Jr. para sa ligtas na paglaya ng lahat ng mga hawak na bihag ng militanteng grupong Hamas.
Kasabay nito ay nagpahayag din ng lubos na pasasalamat ang punong ehekutibo sa Philippine Foreign Service at State of Qatar para sa pagtulong sa pag-alalay sa paglaya ni Pacheco.