prince harry
Harry and Meghan

Matapos tuluyang talikuran ang kanilang royal titles, inutusan umano ni Queen Elizabeth II sina Prince Harry at Meghan Markle na huwag na ring gamitin ang “Sussex Royal” label bilang pagsisimula ng mag-asawa sa bagong yugto ng kanilang buhay.

Ang nasabing brand ay kanilang binuo noong nakaraang taon habang parte pa ang mag-asawa ng British royal family.

Base sa mga naglabasang impormasyon, nakipagpulong umano si Queen Elizabeth II kasama ang ilang senior officials kung saan pumayag ito na pagbawalan sina Prince Harry at Meghan na gamitin ang salitang “royal” para sa kanilang mga negosyo.

Umaasa raw kasi ang dating Duke at Duchess of Sussex na maari pa rin nilang gamitin ang naturang branding sa kabila ng pagpili ng mga ito na maging financially independent mula sa royal family.

Binabalak din umano ng dalawa na irehistro ang Sussex Royal bilang global trademark para sa ilang items at aktibidad tulad ng clothing, stationery, libro at teaching materials.

Pinaplano rin daw ng mga ito na bumuo ng bagong charity gamit ang nasabing brand name.

Pinaniniwalaan na mapipilitan sina Prince Harry at Meghan na gumawa ng panibagong label para sa kanilang mga negosyo.

Pumayag naman daw ang mga ito sa naging kondisyon ni Queen Elizabeth II.

Sinimulan nina Prince Harry at Meghan na buuin ang Sussex Royal label noong 2019 na kaagad namang naging patok sa publiko. Umabot din ng 11.2 million followers ang kanilang official instagram account sa loob lamang ng ilang araw.