Tutol ang ilang miyembro ng minorya sa paggamit ng lubid kapag naibalik na ang pagpataw ng parusang kamatayan sa mga krimen na may kaugnayan sa iligal na droga at plunder.
Ayon kina House senior minority deputy leader at Iloilo Rep. Janette Garin at AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, hindi makatao ang mugkahing ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Iginiit ni Garin na hindi makakatulong sa pagpasa ng batas na ito ang naging pahayag ni Panelo, dahil maging sa pagpatay ng mga hayop ay hindi ginagamit ang paraan na inimumungkahi nito.
“Let us not go back to stone-age. Walang lugar ang ‘Lubid’ sa death penalty,” ani Garin.
Pinaalalahanan naman ni Garbin si Panelo na kapwa niya abogado, hinggil sa mga probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal sa pagpataw ng hindi makataong parusa.
Tinukoy din ni Garbin ang Republic Act 9745 na nagpapataw ng parusa sa torture at iba pang marahas, hindi makatao at “degrading treatment” o parusa.
Nabatid na isa ang reimposition ng death penalty sa mga hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-apat na State of the Nation Address nito noong Lunes na dapat isulong at aksyunan ng Kongreso.
Samantala, pabor si House minority leader Benny Abante sa pagpataw muli ng parusang kamatayan.
Ayon kay Abante, dati pa lang ay suportado na niya ang reimposition ng death penalty lalo pa para sa mga karumal-dumal na krimen kagaya ng massacre, terrorism, rape with murder, at plunder.
“I have always supported the reimposition of the death penalty that was repealed during my time in the 13th congress but only on certain heinous crimes like: massacre, terrorism, killing with rape, plunder,” ani Abante.
Nabatid na 13th Congress nang pinawalang bisa ng Korte Suprema ang kontrobersyal na batas na ito.
Noong 17th Congress nakalusot sa Kamara ang panukalang ito, subalit natulog naman pagsapit sa Senado.
















