-- Advertisements --
cp court

Mahigpit ngayon ang direktiba ng Supreme Court (SC) sa lahat ng korte sa bansa na bawal gumamit ng cellphone sa lahat ng korte kapag mayrong hearing.

Base sa memorandum order No. 74-2019 na pirmado ni Chief Justice Diosdasdo Peralta, iginiit nitong kailangang sundin ng mga korte ang istriktong pagbabawal sa paggamit ng cellular pones habang naka-sesyon ang korte.

Anomang uri ng electronic communication devices na wala namang kaugnayan sa ongoing na pagdinig sa loob ng korte ay mahigpit ding ipinagbabawal.

Ayon sa punong mahistrado, ang nasabing kautusan ay nakapaloob sa kanyang 10-point program kaugnay ng isinasagawa nitong monitoring sa trabaho ng lahat ng korte kabilang dito ang mga lower courts.

Inaatasan nito ang lahat ng mga kawani ng korte na tumalima sa kanilang panuntunan sa panahong mayroong sesyon o pagdinig.

Binigyang diin din ni Peralta ang kautusan sa lahat ng korte na sumunod sa itinatakdang panahon para sa pagresolba ng mga kaso, rules of procedure, mga panuntunan ng korte at iba pang mga kautusang administratibo.

Layon nito na mapanatili ang maayos na proceedings at pagdinig ng bawat kaso at maayos na serbisyo publiko.