-- Advertisements --

Hindi pa rin umano absuwelto sa posibleng pananagutan sa katiwalian sa Philhealth si Department of Health (DoH) Sec. Francisco Duque III kahit idinepensa na naman ito ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Justic Sec. Menardo Guevarra, isang “expression of trust” lamang ni Pangulong Duterte ang pinakabagong pahayag ukol sa kalihim ng DoH.

Una rito, sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang makitang magandang rason para i-prosecute ang isang taong inosente, na pagtukoy kay Duque.

Paliwanag ni Guevarra, nagpahayag lamang ng pagtitiwala si Pangulong Duterte kay Duque nang mabanggit niya ito.

Pero, hindi umano ito nangangahuluhan ng “exoneration” o mistulang pag-abswelto na ng presidente kay Duque partikular sa mga isyu ng katiwalian sa Philhealth.

Nanindigan si Guevarra na kapag may matibay na ebidensiya laban sa sino man at ano man ang posisyon nito, tiwala si Guevarra na si Pangulong Duterte na may “prosecutorial blood” ay hindi hahadlang sa ligal na proseso.

Sa panig naman ng Department of Justice (DOJ) partikular ang Task Force Philhealth, sinabi ni Guevarra na tuloy-tuloy ang kanilang trabaho alinsunod sa utos ng presidente na mag-imbestiga, papanagutin at ipakulong ang mga mapapatunayang tiwali sa Philhealth.

Nauna nang kinuwestiyon ng mga mambabatas sa Senado at iba pang mga grupo ang hindi pagkakasama ni Duque sa mga sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman kaugnay sa mga kontrobersya sa Philhealth.

Una rito, patong-patong na kaso na ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Ombudsman laban sa mga tiwaling opisyal ng Philhealth.

Sa pamamagitan ng endorsement ng DoJ, nagsampa ng patong-patong na reklamo ang NBI sa Ombudsman laban sa mga opisyal kabilang sina dating President and Chief Executive Officer Ricardo Morales at walong iba pa.