Aprubado na ng House Committee on Public Order and Safety ang consolidation ng dalawang panukalang batas na naglalayong bumuo ng Philippine forensic human DNA database na malaking tulong sa paglutas sa mga kasong kriminal.
Ito ang House Bills (HB) 94 at 540 na inihain nina Surigao Del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers at Santa Rosa City Lone District Rep. Dan Fernandez na naglalayong mag established ng Philippine National Forensic Database.
Ang panukala ni Barbers ay naglalayong isama ang DNA na kinuha mula sa mga suspected persons, convicted persons, detainees, drug dependents, missing persons, voluntary persons, uniformed persons, at mga government employees na nasa database.
Ang bersiyon naman ng panukala ni Representative Fernandez na isama ang DNA ng mga batang lansangan at pulubi, at ng hindi pa nakikilalang mga labi ng tao.
Pareho namang binabanggit ng mga mambabatas na makakatulong ito para magbigay solusyon sa krimen bilang pangunahing dahilan sa kanilang mga panukala.
Sa panukala ni Barbers nais nito na lumikha ng isang Philippine DNA Database Office, pero sa panig ni Fernandez, ibibigay nito ang responsibilidad sa pangangasiwa sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory.
Kasama sa mga hakbang ang mga probisyon na nagpaparusa sa mga indibidwal na hindi sumusunod sa pagsusumite ng mga sample ng DNA.
Inaprubahan din ni Fernandez, ang pagbuo ng Technical Working Group (TWG) upang pagsama-samahin ang dalawang hakbang at ang magkasalungat na probisyon nito.
Samantala, suportado naman ng mga experto ang pagbuo ng DNA database system.
Ayon kay Dr. Eva Maria Cutiongco dela Paz, isang geneticist mula sa National Institutes of Health (NIH), na ito ang posisyon ng NIH gayundin ng Philippine General Hospital ng Unibersidad ng Pilipinas kaugnay ng dalawang panukala na ginawa ni Representatives Fernandez at Ace Barbers na naglalayong magtatag ng pambansang database ng DNA.
Sinabi ni Dela Paz na ang pangkalahatang rekomendasyon ng NIH ay tumutukoy sa iminungkahing database ng DNA para sa forensic na paggamit ng mga siyentipikong pamamaraan sa pagkuha ng ebidensya na ihaharap sa korte.
Sa ilalim ng panukala, tanging isang certified Philippine National Police (PNP) DNA collector lamang ang awtorisadong kumuha ng biological sample mula sa sinumang tao.
Sa kabilang dako, umapela naman si Rep. Fernandez sa mga otoridad na palawakin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa US counterpart hinggil sa nasabing usapin.