Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng isang inter-agency committee para sa paggunita sa ika-125th Philippine independence anniversary.
Batay sa Administrative Order No. 8 ni Pangulong Marcos na ang naturang komite ay inatasang tumutok sa pagsasaayos ng planning at execution ng mga program at projects sa nalalapit na aktibidad para sa anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.
Nakasaad din sa naturang kautusan na simula ngayong taong 2023 hanggang 2026 ay sesentro ang paggunita sa Philippine independence sa kalayaang pinaghirapan ng ating mga ninuno tungo sa kanilang pinangarap para sa bayan at gayundin sa kasaysayang nais nating alalahanin at pakaingatan.
Ang naturang inter-agency committee ay pamumunuan ng National Historical Commission of the Philippines habang ang Department of the Interior and Local Government naman ang magsisilbi bilang vice-chair nito.
Sa ilalim din kasi ng Republic Act No. 10086 o ang “Strengthening Peoples’ Nationalism Through Philippine History Act” ay kinakailangan na magsagawa ang pamahalaan ng mga pamamaraan na magpapatibay pa sa nasyonalismo, pagmamahal sa bansa, at respeto ng mamamayang Pilipino sa ating mga bayani na ipinagmamalaki ng ating bansa dahil sa kanilang nagawa sa pagpapatibay sa kahalagahan ng national at local history ng Pilipinas.
Nakasalig din dito na dapat ay pasiglahin pa ng gobyerno ang suporta nito para sa historical research; at gayundin ang pagsasagawa ng mga programa na layuning proteksyunan, pangalagaan, at ingatan ang mga makasaysayang bagay at lugar sa ating bansa. // mop