-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) na ang disenyo ng Bataan Nuclear Power Plant ay ligtas, at ang muling pagbuhay at posibleng paggamit nito ay ligtas sa kabila ng mga dekada ng pagiging mothball ng BNPP.

Sinabi ni DOST-PNRI Director Carlo Arcilla na ang disenyo ng BNPP ay katulad ng mga nuclear plants na ginagamit sa South Korea, Slovenia, at Brazil.

Aniya, tumatakbo pa rin ang tatlong nuclear plants.

“Ibig sabihin, ‘yung design na ‘yan ay safe”.

Dagdag pa ng DOST-PNRI director, habang hindi ginagamit ang BNPP, patuloy pa rin ang maintenance works.

Inulit din niya ang paninindigan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ligtas ang site ng BNPP dahil itinayo ito sa matibay na pundasyon at hindi na aktibo ang kalapit na bulkan na Mount Natib.

Napag-alaman na malugod na tinanggap ni Arcilla ang pagpapalabas ng Executive Order 164, isang by-product ng EO 116 na inisyu noong 2020 na namamahala sa pagsasagawa ng mga nauugnay na pag-aaral para sa pagpapatibay ng isang National Position para sa Nuclear Energy Program, at bumubuo ng Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee (NEP-IAC) upang pangasiwaan ang paghahanda nito.

Noong 1976, iniutos ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang pagtatayo ng BNPP, na nagkakahalaga ng $2.3 bilyon.

Gayunpaman, natigil ang proyekto pagkaraan ng tatlong taon dahil sa mga safety concerns.