Pinuri ng mga kongresista ang pagdating sa bansa ng kauna-unahang high-level United States trade and investment mission sa Pilipinas, na resulta umano ng patuloy na pagpupunyagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang dumami ang pamumuhunan sa bansa.
Sinabi ng mga mambabatas na ang pagdating trade mission ni US President Joe Biden ay nataon sa ginagawang pagtalakay ng Kongreso sa panukala na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.
Sinabi ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez na mahalaga ang foreign direct investments (FDIs) sa Pilipinas upang dumami ang mapapasukang trabaho at sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.
Ipinunto ni Suarez na ang pagpasok ng FDI ay hindi dahil sa pagiging miyembro ng isang bansa sa ASEAN o sa United Nations kundi dahil sa inaasahang paglago ng negosyong itatayo roon.
Sinabi ni Suarez na ang pagdami ng dayuhang negosyo sa bansa ay isa ring hakbang upang matugunan ang nangyayari sa West Philippine Sea.
Nagpapakita naman umano ng potensyal na benepisyo ang pagdating sa bansa ng US trade mission.
Pinuri rin ni Deputy Speaker Romualdez si Pangulong Marcos sa naging papel nito upang matuloy ang U.S. mission at kinilala ang kanyang pagpupursige na makahikayat ng mga mamumuhunan sa pagbisita nito sa ibang bansa.
Para naman kay Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan malaki ang positibong epekto sa pagdami ng pamumuhunan sa bansa at pinuri nito si Pangulong Marcos sa kanyang pagsusulong ng interes ng bansa sa ibayong dagat.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagpapunta ang gobyerno ng Amerika ng isang trade mission sa Pilipinas.
Ang misyon ay pinamumunuan ni U.S. Secretary of Commerce Gina Raimondo at gagawin ng Marso 11 at 12.
Si Raimondo ay sinamahan ng 21 lider ng iba’t ibang kompanya at ilang kilalang personalidad ng Amerika.