-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Di na nais magtiis pa ng mga pamilya ng mga Maguindanao Massacre victims ng panibagong 10 taon para makuha ang danyos na ipinangako sa kanila matapos nahatulang guilty ang mga akusado.

Ito ang iginiit ni Elliver Cablitas sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo GenSan.

Ayon rito, nakamit na nila ang hustisya matapos nakombikto ang mga primary suspects na mga Ampatuan at iba pang mga sangkot sa masaker.

Ngayon naman ay hiniling ni Cablitas kay Pangulong Rodrigo Duterte na matulungan sila na gawing prayoridad at mas mapabilis ang proseso ang pagbibigay ng moral damages.

Aniya, tiyak umanong ikatutuwa ng bawat pamilya kung mapapakinabangan nila ngayon ang matatanggap na pera habang silay nabubuhay pa.

Hindi naman nagustuhan ni Cablitas ang pag-file umano ng mosyon ang kampo ng mga Ampatuan para maibaba ang ibabayad na danyos para sa mga naulilang pamilya.

Kung alam lang sana nila na ganito katagal ang proseso ay tinanggap na lamang nila ang alok noon sa kanila na pera.

Samantala, ipinaabot naman nitong himpilan ni Ian Perante Jr kaanak ng isa sa mga biktima na magkakaroon ng misa sa Forest Lake Cemetery dito sa lungsod sa hapon kung saan inilibing ang 12 miyembro ng media na nasawi sa masaker.