-- Advertisements --
image 160

Inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbibigay ng mga insentibo para sa mga opisina ng gobyerno para epektibong maipatupad ang direktiba sa pagtitipid ng tubig sa gitna na rin ng banta ng El Nino phenomenon sa suplay ng tubig.

Paliwanag ni DENR Undersecretary Carlos Primo David na base na rin sa kaniyang karanasan hindi nagiging epektibo ang pagpataw ng penalties sa pagsunod sa mga direktiba kayat mas maganda aniya na tignan na lamang ang posibleng maibigay na mga insentibo.

Inihalimbawa pa ng opisyal ang kada peso na maiipon mula sa bayarin sa tubig ay maaaring bahagyang mabawi o kaya naman ang pera na naipon mula sa pagtitipid ng tubig ay ibabalik sa ahensiya para sa ibang pangangailangan.

Kaugnay nito, ikinokonsulta na umano ng opisyal ang naturang rekomendasyon sa Civil Service Commission at Department of Budget and Management (DBM) para mapalakas ang kampaniya para sa pagtitipid ng tubig.

Ang naturang rekomendasyon ng DENR ay kasunod na rin ng inisyung Memorandum Circular No. 22 ng Malacanang kung saan minamandato ang lahat ng ahensiya ng gobyerno at instrumentalities nito na striktong magpatupad ng mga hakbang para sa pagtitipid ng tubig bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapigilan ang krisis sa tubig sa ating bansa sa gitna ng El Nino phenomenon.