LEGAZPI CITY- Inihayag ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na posibleng nagpapabango lamang ng pangalan sa Estadus Unidos si Pangulong Rodrigo Duterte para sa papalapit na eleksyon matapos na bawiin na ang desisyon sa abrogation ng Visiting Forces Agreement (VFA) ng dalawang bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lagman, sinabi nito na papalapit na ang national elections kung kaya’t nagpapabida na ang Pangulo at tiyak na humahanap na ng kaalyado upang makakuha ng suporta.
Matunog sa ngayon ang posibleng pagtakbo ni Duterte bilang Bise Presidente sa 2022 elections ka-tandem ang anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio na posibleng tumakbo naman bilang Pangulo.
Pinuna naman ni Lagman ang animo’y pabago-bagong desisyon ng Pangulo patungkol sa isyu na hindi umano nakakatulong sa relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.
Nanindugan rin ito na sa simula pa lamang ay mali na ang dahilan ni Duterte sa planong abrogation sa VFA dahil lamang sa hindi nagustohan ang pagkansela ng US sa VISA ng malapit nitong kaalyado na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Kung ang Kongresista naman ang tatanungin mas makakabuti umano kung itutuloy na lang ang kanselasyon sa VFA lalo pa’t hindi naman gaanong nakikinabang rito ang Pilipinas.