Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga empleyadong pumasok sa trabaho ngayong araw, Hulyo 27, 2025 ay tatanggap ng karagdagang 30% sa kanilang batayang sahod para sa unang walong oras ng trabaho.
Alinsunod ito sa Labor Advisory No. 09, Series of 2025, kaugnay ng deklarasyon ng special non-working day sa buong bansa upang gunitain ang anibersaryo ng Iglesia Ni Cristo, base sa Proclamation No. 729 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay sa DOLE epektibo ang “No work, no pay” para sa mga empleyadong hindi pumasok, maliban na lamang kung may kasunduan sa kompanya o collective bargaining agreement.
Habang makakatanggap ng 130% ng sahod ang empleyado para sa unang 8 oras ng trabaho kung pumasok ito.
Bibigyan din ng karagdagang bayad sa overtime na 30% ng hourly rate batay sa itinakdang formula.
Kung ang araw ay kasabay ng rest day, ang sahod na matatanggap dapat ng empleyado ay 150% ng regular na arawang sahod nito.
Para naman sa overtime sa rest day at special day, may dagdag na 30% pa ng hourly rate.
Pinaalalahanan ng DOLE ang mga employer na sundin ang tamang patakaran sa pasahod para sa mga manggagawang nagtrabaho sa nasabing special holiday.