Tiniyak ng pamunuan ng Department of Justice na aktibo nilang isinusulong ang pagbawi sa mga ari-arian na may kinalaman sa kontrobersyal na Bamban POGO hub at maging sa lahat ng assets ni dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Kasunod ito ng guilty na hatol ng korte laban kay Guo para sa kasong Human Trafficking.
Sa deliberasyon sa plenaryo ng senado hinggil sa panukalang 2026 budget ng DOJ, ibinahagi ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian na ang kaso kaugnay ng Bamban POGO hub at ni Guo ay gumugulong pa rin at aktibong tinutugunan ng mga awtoridad.
Dagdag pa ni Senador Gatchalian na itinutulak ng DOJ ang kasong graft and corruption hindi lamang laban kay Guo, kundi pati na rin sa iba pang mga opisyal na sangkot sa pagbibigay ng permit sa Bamban POGO hub.
Sinasaklaw ng kasong ito ang mga alegasyon ng korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan sa pag-isyu ng mga permit para sa operasyon ng POGO hub.
Sa pagtatanong ni Senadora Risa Hontiveros, tiniyak ni Gatchalian, na siyang nagdedepensa sa panukalang budget ng DOJ, na pending na ang kaso tungkol sa paghahabol sa mga ari-arian ni Guo.
Pinaliwanag ni Gatchalian nauna nang idineklara ng Tarlac Court na hindi Pilipino si Guo, kaya naman hindi siya pwedeng magmay-ari ng mga lupain sa Pilipinas alinsunod sa batas.
















