-- Advertisements --

Kinalampag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya ang mga kritiko na isulong ang pag-amiyenda sa batas na naglilimita sa pagbebenta ng mga gamot sa mga lisensyadong pharmacies at retail outlets.

Ito ay matapos na atasan naman ng DILG kamakailan ang mga local government units na magpasa ng mga ordinansa para sa ban nang pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari stores sa buong bansa.

Ayon kay Malaya, sinusunod lamang nila dito ang nakasaad sa ilalim ng Section 30 ng Republic Act No. 10918, o ang Philippine Pharmacy Act, na nagsasabi na tanging ang mga FDA-licensed retail drug outlets o pharmacies lamang ang pinapayagan na magbenta ng gamot sa publiko.

Nauna nang sinabi ng FDA kay Pangulong Rodrigo Duterte na mula noong Enero 13 hanggang Pebrero 11 ay nakatanggap sila ng 185 reports hinggil sa mga sari-sari stores na iligal na nagbebenta ng mga gamot.

Kaya naman iginiit ni Malaya na hanggang sa hindi pa nakakapagpalabas ang FDA ng kumpromiso o regulasyon, susundin ng DILG ang nakasaad sa batas na tanging ang mga lisensyadong botika lamang talaga ang maaring magbenta ng mga gamot.