Dumipensa ang Philippine National Police (PNP) sa pagbaril ng hepe ng Novaliches Police sa suspek na nanlaban umano matapos nilang maaresto.
Ayon kay Police Col. Bernard Banac, spokesperson ng PNP, maituturing na self defense lang ang ginawa ni P/Supt. Rossel Cejas lalo pa’t sinubukan ng suspek na mang-agaw ng baril.
Gayunman, pinagpapaliwanag pa rin daw si Cejas kaugnay sa insidente.
Binigyang-diin naman ni Banac na bawat hakbang ng PNP ay nakatalima sa standard operating procedure at may paggalang sa karapatang pantao.
Kung maaalala, naiharap pa sa media si Carl Joseph Bañanola na pangunahing suspek sa pananaksak sa mag-asawang senior citizen sa Novaliches pero habang pabalik na ito sa Camp Karingal matapos ang inquest proceeding ay hiniling na luwagan ang kaniyang posas.
Pinagbigyan naman ito ng nakabantay na pulis, ngunit bigla na lang umanong inagaw ng suspek ang baril ng pulis.
Nabatid na nasa drug watchlist ng barangay ang suspek.