Isinusulong ngayon ng World Health Organization na ipagbawal na ang pagbebenta at paggamit ng lahat ng mga flavored vape sa iba’t ibang bansa.
Sa isang pahayag ay sinabi ng United Nations agency na kinakailangang makontrol ang paggamit ng mga e-cigarettes bilang bahagi ng hakbang para mabawasan na ang bilang ng ma naitatalang nasasawi at nagkakasakit nang dahil sa smoking.
Batay kasi anila sa isang pag-aaral, nadagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na gumagamit ngayon ng vape o e-cigarettes bilang pang-alternatibo sa paninigarilyo.
Ngunit gayunpaman ay nakakasama pa rin aniya ito sa kalusugan ng isang tao at nagdudulot din ng nicotine addiction sa mga non-smokers, partikular na sa mga bata.
Dahil dito ay patuloy ang ginagawang panawagan ngayon ng WHO sa mga gobyerno ng iba’t-ibang mga bansa sa buong mundo na magpatupad ng ilang pagbabago, kabilang na ang pagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng mga flavored e-cigarretes tulad ng menthol.
Kasama rin sa mga iminungkahi ng WHO ay ang pagpapataw ng mas mataas na buwis o pagbabawal sa paggamit nito sa mga pampublikong lugar.










