Isinusulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang paglalagay muli ng confidential and intelligence funds (CIF) sa kanilang P46-billion proposed budget sa taong 2021.
Sa pagpapatuloy ng budget deliberations sa House of Representatives, inihayag ni DICT Secretary Gringo Honasan na hindi inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) anbg kaniyang proposal para sa CIF dahil mas kailangan umano ng pondo para sa COVID-19 response ng bansa.
Ayon pa kay Honasan, hindi nito maaaring palampasin ang tsansa na mas pagandahin pa ang cybersecurity ng bansa at para na rin maka-survive mula sa digital world.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Honasan kung magkano ang requested budget sa CIF sa susunod na taon.
Sa kabila nito ay naaprubahan naman ang P11.6 million proposed buget para sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng DICT.
Nanawagan naman si CICC Executive Director Cesar Mancao sa mga mambabatas na taasan pa ang budget para sa ahensya.
Nakakaawa raw kasi ang kalagayan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center dahil nahuhuli na ang Pilipinas sa cybercrimes. Tanging 6.7% lang ng cybercrime cases ang isinasampa sa halos lahat ng law enforcement agencies.
Magugunita na naging hot seat ang DICT dahil sa kanilang paggaston ng P300 million sa confidential funds sa pamamagitan ng tatlong cash advances na nagkakahalaga ng P100 million noong November 8, December 3, at December 17, 2019.
Giit pa ni Honasan na hindi kailanman makikisawsaw ang DICT sa red-tagging at hindi rin magagamit ang CIF para sa anti-insurgency efforts.