Sinagot ni Andi Eigenmann ang mga netizen na pumuna sa “madungis” umanong itsura ng kanyang mga anak na sina Lilo at Koa, matapos mag-post ng video kung saan namumulot ng bulaklak ang mga bata papunta sa kanilang preschool sa Siargao.
Ayon kay Eigenmann sa kanyang Instagram Stories, mas gusto niyang “messy from living fully” ang kanyang mga anak kaysa “clean from sitting still.”
Giit niya, ang mga pumupuna ay kadalasang uri ng mga magulang na hinahayaan lang ang anak na tutok sa gadgets buong araw at kumain ng fast food.
“Walang perpektong magulang,” dagdag niya, “pero mas gusto kong lumaki ang mga anak ko na buo ang koneksyon sa totoong buhay.”
Marami ring kapwa magulang at netizens ang sumang-ayon at sumuporta sa pananaw ni Andi sa comment section ng kanyang post.
Matatandaan na si Andi ay may tatlong anak na sina Lilo at Koa, na anak niya sa fiancé niyang si Philmar Alipayo, at si Ellie, na anak niya naman kay Jake Ejercito.