LEGAZPI CITY – Hindi sang-ayon ang Bicol Regional Development Council chairman at Legazpi City mayor na si Noel Rosal sa planong pagbabalik ng biyahe ng mga provincial bus.
Ito’y dahil sa patuloy na banta ng coronavirus pero may mga suhestiyon na ibalik na ang biyahe ng bus upang mapabilis ang transportasyon at makabawi ang ekonomiya ng rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rosal, dahil marami pa rin na nairereport na mga bagong kaso ng deadly virus ay hindi magandang ideya na ibalik na ang biyahe ng mga naturang sasakyan partikular na ang mga mula sa Maynila.
Magpapabilis lamang umano ito ng mas pagkalat ng virus imbes na makatulong sa pagpapanumbalik ng sigla ng ekonomiya.
Subalit bukas naman ito sa suhestiyon na payagang makabiyahe ang mga bus na ‘di lalabas sa Bicol at babiyahe lang sa mga lalawigan dahil nasa ilalim naman ang rehiyon ng modified general community quarantine.