Ikinatuwa ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda ang bahagyang pagbaba ng mga walang trabahong Pilipino.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority o PSA, bumaba sa 2.50 million ang mga “jobless” na Pilipino subalit bumaba din ang mga “employed” na mga indibidwal ay bumaba rin.
Sinabi ni Salceda na isang ekonomista na maituturing na “good” o mabuti ang anumang pagbaba sa unemployment, lalo na kung ang sitwasyon sa paggawa ay nananatiling “fluid.”
Kabilang sa mga nakikita ni Salceda na rason ng pagbaba sa unemployment ay ang “usual surge” sa demand na karaniwang nag-uumpisa tuwing Setyembre hanggang sa katapusan ng taon, ang mas malawak na pagbabalik ng face-to-face classes, mas maraming back-to-office o balik-opisina, at transition ng pandemic tungo sa endemic lalo na sa sektor ng turismo.
Pero, nagbabala si Salceda na sa gitna ng nararanasang recovery ay nananatiling kalaban ang “inflation” o mabilis na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Binigyang-diin ni Salceda na nakakaapekto ang inflation sa paglago, maging sa “purchasing power” ng mga mangaggawa partikular ang mga bago sa trabaho.
Kaya naman kailangan aniyang labanan ang patuloy na mataas na presyo ng mga produkto at serbisyo.
Dagdag ni Salceda, ang laban kontra sa inflation ay kailangang tumutok sa ilang pangunahing bagay gaya ng food supply, fuel efficiency at feed prices, at ang pagtugon ay makakatulong sa pagbaba ng inflation at pagpaparami pa ng mga trabaho.