Inihayag ng water concessionaire na Maynilad Water Services Inc. (Maynilad) na bumababa ang elevation ng tubig sa La Mesa Dam nitong mga nakaraang linggo, na nagreresulta sa mas kaunting available na supply para sa concession area nito.
Kaya naman, napipilitan ang East Zone concessionaire na Manila Water Inc. na unti-unting suspindihin ang cross-portal supply sharing sa Maynilad.
Ito ay nagreresulta ng pagbaba ng supply ng tubig para sa milyon-milyong customer at magpapahaba ng pang-araw-araw na water service interruption simula Abril 1.
Ayon sa Maynilad, magpapadala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng letter request sa National Water Resources Board (NWRB) para sa dagdag na alokasyon na 52 cubic meters per second mula sa Angat Dam sa buwan ng Abril hanggang Mayo.
Ito ay upang ang Ipo at La Mesa Dams ay maaaring ganap na makabawi at mas maraming tubig ang maihatid sa Novaliches Portal.
Una nang nagsimulang magpatupad ang kumpanya ng araw-araw na water service interruption noong Martes, Marso 28, upang mapanatili ang natitirang supply sa sistema ng Angat at Ipo dam dahil sa napipintong El Nino phenomenon.