Namonitor ng Department of Agriculture ang pagbaba sa presyo ng mga ibinebentang bigas sa ilang mga pamilihan sa buong Metro Manila.
Ito ay batay sa market monitoring ng naturang kagawaran.
Batay sa nakuhang datus ng DA, pinakamababang presyo ng mga ibinebentang bigas sa Metro Manila ay umaabot lamang ng P40 kada kilo. Ito ay ang Regular Milled na lokal na bigas na unang itinakda ang presyo sa P41 kada kilo, batay sa naging kautusan ni PBBM.
Nananatili naman sa P45 kada kilo ang presyuhan para sa locally-produced at imported na well milled rice.
Para naman sa local premium rice o mas magandang uri ng bigas na ibinebenta sa mga merkado sa Metro Manila, namonitor ng DA ang pagbaba ng presyo mula sa dating P60 patungo sa P49 kada kilo.
Habang ang mga imported premium rice ay bumaba rin sa P48 mula sa dating P58 kada kilo.
Ayon sa DA, karamihan pa rin sa mga retailers ng bigas sa Metro Manila ay nakakasunod sa price cap na unang ipinatupad sa ilalim ng kautusan ni PBBM.
Nagpapatuloy din ang pamamahagi ng cash assistance sa mga retailers na apektado sa implementasyon ng price cap sa dalawang klase ng bigas.