-- Advertisements --

Isa sa mga prayoridad ngayon ng Department of Justice ang pag-usig sa mga perpetrators o salarin sa mga kaso ng Extra-judicial killings sa drug war campaign ng nagdaang adminsitrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla ang naturang pahayag kasabay ng pagsiyasat ng United Nations Human Rights Committee sa ilang mga isyu sa bansa sa pagpupulong sa 136th session ng international body.

Ibinahagi din ng Justice chief na mayroon ng 46 na police officers ang nasampahan sa korte mula sa 302 kaso na ni-refer ng National Bureau of Investigation para sa case build up mula sa mga nagdaang anti-drug operations. Nasa 222 din na police officers ang napatunayang liable sa administrative charges at nasuspendi na mula sa serbisyo.

Saad pa ni Remulla sa international body na pinalakas na rin ng bansa ang witness protection program para mahikayat ang mga civil society organizations, mga testigo maging ang pamilya ng mga biktima na lumantad.

Dagdag pa ni Remulla na patuloy din na tinutugunan ng Bureau of Corrections ang isyu sa overcrowding sa mga piitan sa bansa.

Sinabi din ng Justice chief na nasa karagdagang 5,000 mga inmates ang nakatakdang palayain sa June 2023.