DAGUPAN CITY – Binabantayan pa rin ng mga lokal na otoridad sa Pangasinan ang mga kataong nakasalamuha ng Filipino-Australian na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kahit nagnegatibo sa sakit ang mga ito.
Nabatid na sumailalim sa 14-day quarantine ang mga ito at hindi nagpakita ng anumang sintomas ng sakit.
Unang nagtungo sa Pangasinan noong Pebrero 22 ang babaeng Fil-Australian upang dumalo sa isang high school reunion sa Dagupan City.
Bumalik siya sa Maynila noong Pebrero 23 at nagpositibo sa COVID-19 matapos bumalik sa Australia noong Marso 3.
Sa kasalukuyan ay hinahanap na ng provincial government ang iba pang dumalo sa class reunion.
Nabatid na nasa 250 katao ang dumalo base na rin sa registration sa okasyon na kanilang minomonitor.
Ang naturang Australian ay dumalo rin sa kasal sa Maynila noong February 3, 2020.
Nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng Australian.
Sa ngayon, dalawang tao ang ikinokonsidera bilang “patients under investigation” (PUIs) sa sakit ang nananatiling nasa quarantine sa isang ospital sa lalawigan.
Kabilang dito ang 40-anyos na overseas worker mula Taiwan at ang limang taong gulang mula Spain. Kinonsidera rin ng mga opisyal bilang “persons under monitoring” ang mga nakasalamuha ng dalawang PUIs.