Ipinanawagan ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa kapwa mambabatas na i-restore ang hiniling na pondo ng Department of Transportation (DOTr) para sa kanilang Service Contracting program o “Libreng Sakay”, at ang panukalang alokasyon sa LTO para tugunan ang backlog sa mga plate numbers.
Batay sa naging interpelasyon sa panukalang 2023 budget ng DOTr, iginiit ni Rep. Lee ang kahalagahan ng Libreng Sakay Program sa ating mga kababayan.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang Libreng Sakay Program ng gobyerno ay malaking tulong sa mga milyong mga kababayan natin.
Aniya, sa nasabing programa hindi lamang ang mga commuters ang natutulungan at nakikinabang kundi maging ang mga operator, driver at transport cooperatives.
Bagamat ang Libreng Sakay ay hindi sustainable program para sa riding public, malaking tulong ito sa ngayon lalo at tumataas ang presyo ng langis at patuloy ang paghina ng piso, tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Naniniwala si Rep Lee na wrong timing kung ngayon ititigil ang programa sa gitna ng krisis na pinagdadaanan ng mamamayan at ng sektor ng transportasyon.
Siniguro naman ng mambabatas mula Sorsogon na magpapatupad siya ng ilang amendments para i-restore ang P12 billion pondo para maipagpatuloy ang Libreng Sakay program.
Batay sa datos ng LTFRB, as of June 21 nasa kabuuang 203.6 million pasahero ang nakinabang sa Libreng Sakay.
Samantala, inihihirit din ng mambabatas na maglaan ng pondo para sa LTO ng sa gayon matugunan ang backlog sa mga plate numbers sa mga motor vehicles.
Umaasa naman si Lee na suportahan siya ng kaniyang mga kapwa mambabatas na i-restore ang budget para sa libreng sakay program