LEGAZPI CITY – Pinaigting pa ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang proseso sa pagsuri at pagbebenta ng mga karne sa merkado sa Bicol, kasabay ng holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NMIS Regional Technical Operations Center 5 Officer in-charge Dr. Alex Templonuevo, magsasagawa ng mga surprise inspection sa mga pamilihan upang makatiyak na ligtas ang mga ipinagbibili sa publiko.
Magiging triple rin umano ang surveillance at pag-monitor sa mga karne lalo na nang pumutok ang balita sa African swine fever (ASF) sa bansa.
Paalala naman nito sa mga mamimili na dapat na mayroong certificate of meat inspection ang mga meat vendor na patunay na malinis at ligtas na ikonsumo ang mga produkto.
Giit ni Templonuevo na otomatikong kukumpiskahin ang mga karne na walang sertipikasyon at hindi nakapasa sa meat inspection, maging ang mga lumabag sa ilalim ng Republic Act 10536 o Meat Inspection Code of the Philippines.