-- Advertisements --

NAGA CITY – Hindi na umano bago ang mga insidente ng pag-leak ng data ng ahensiya ng pamahalaan kaugnay ng nangyari sa PhilHealth dahil sa Medusa ransomware.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Angelo Babagay, Team Leader ng Camarines Sur and Camarines Norte Anti Cybercrime Group, sinabi nito na mayroon ng mga naunang insidente lalo na sa mga malalaking kompanya.

Aniya, dalawang anggulo ang maaaring ikonsidera sa insidente, una na dito ang posibilidad na inside job o kaya maaari umanong may nakapasok sa firewall o sa sistema ng ahensiya.

Dagdag pa ni Babagay, sa inside job, maaaring sa ahensya mismo nagtatrabaho ang may gawa nito o kaya naman ay dating nagtrabaho dito at mayroong access sa sistema nito kung kaya madaling napasok ang firewall nito.

Pagbabahagi pa ng opisyal na kadalasan umano sa mga ganitong klase ng insidente, pera lamang naman talaga ang habol ng hacker at wala namang pakialam sa mismong data.

Ngunit kung mayroon umanong kakayahan ang IT ng PhilHEalth, kaya nilang bawiin ang data na naaccess ng hacker.

Kung tutuusin umano, maging ang back up kung saan ma-aaccess ang system, mayroon pa ring backup, ngunit ang mahirap lamang dito ay kadalasan sa mga backup ay hindi naman kumpleto.

Samantala, sinabi pa ni Babagay na mayroon na rin umanong naitalang ganitong klase ng insidente sa isang BPO company sa Albay kung saan napatunayan na mayroong kakutsaba mula sa loob ng kompanya.

Sa ngayon, paalala na lamang nito na agad na lumapit sa kanilang opisina kung nakakaranas ng mga ganitong klaseng insidente ng hacking.