Hindi umano sinagot ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon na nakasaad sa Articles of Impeachment kundi tinangka niyang takasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagkuwestyon sa proseso.
Ayon kay Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng House prosecution team, na hindi ito ang kanilang inaasahan kaugnay ng naging pahayag ni Duterte na “bloodbath.”
Ayon kay Bucoy ang pagkuwestyon sa proseso ay isang hakbang para ilihis ang atensyon mula sa mga pangunahing isyu.
Noong Lunes, naghain si Bise Presidente Duterte ng Answer Ad Cautelam sa Senado bilang impeachment court isang kondisyunal na tugon na kinukuwestiyon ang hurisdiksyon ng korte.
Sa kanyang Answer Ad Cautelam, tinawag ni Duterte na may depektong legal at teknikal ang impeachment complaint, walang batayang legal, at ginagamitan ng pulitika, kaya’t nananawagan siyang ibasura ito agad ng Senado.
Binigyang-diin ni Bucoy na ang tugon ni Duterte ay pawang teknikal at hindi tumutugon sa mga detalyadong alegasyon ng reklamo.
Nang tanungin ukol sa pahayag ng depensa na ang kaso ay may bahid-pulitika at walang legal na batayan.
Sinabi ni Bucoy na nasa Senado na, bilang impeachment court, ang desisyon kung paano tratuhin ang Answer Ad Cautelam ni Duterte.
Sa halip na harapin ang mga alegasyon, sinabi ni Bucoy na tumanggi ang kampo ni Duterte na kilalanin ang kapangyarihan ng impeachment court at hindi tumugon sa nilalaman ng mga paratang.
Sa kabila nito, sinabi ni Bucoy na nakahanda ang House prosecution panel na magsumite ng kanilang pormal na tugon bago ang takdang petsa ng Sabado.
Kinuwestiyon din ni Bucoy ang lohika ng kampo ni Duterte na humihiling ng desisyon mula sa isang korte na hindi naman nila kinikilala.
Samantala, inihahanda na ng House panel ang mga ebidensya nito at itutulak na itakda ang trial dates matapos ang pre-trial phase.