-- Advertisements --

Pinalagan ng miyembro ng prosecution team ng House of Representatives ang hakbang na i-inhibit mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sina Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Robin Padilla.

Sina Dela Rosa at Padilla ay kaalyado ng mga Duterte na kabilang sa tinatawag na Duterte bloc.

Paliwanag ni Iloilo 3rd district Rep. Lorenz Defensor na hindi dapat i-inhibit ang tatayong Senator-judges dahil isang political process ang impeachment trial at hindi judicial process.

Hiling lamang aniya nila ay mabigyan ng patas na pag-presenta at payagan na mailatag pareho ang panig ng prosekusyon at defense team.

Matatandaan, nauna ng inamin ni Sen. Dela Rosa na siya mismo ang nag-inisyatiba ng draft resolution para ibasura ang impeachment trial gayundin kinumpirma ni Sen. Padilla na bumalangkas din siya ng sarili niyang resolusyon para sa parehong adhikain.

Samantala, nagpasalamat naman si Cong. Defensor dahil nakatakda ng gumulong ang impeachment trial kasunod ng opisyal nang panunumpa ni Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court at panunumpa ng Senator-judges.