-- Advertisements --

Naglaan ang Pag-IBIG Fund ng P250 billion pondo para sa 751,494 na pabahay ng pamahalaan para sa mga mahihirap sa ilalim ‘yan ng Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na target matapos sa Hunyo ng taong 2028.

Ayon kay Pag-IBIG CEO Mariline Acosta, mas mataas ng 46.12% ang bagong target kumpara sa naunang administrasyon. Iniulat din nito na mayroon nang nakatalaga sa 4PH program tulad ng developers, contractors, at local government upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga bahay.

Una nang naaprubahan noong Mayo ang P32.76 billion pautang para sa 4PH, at P4.06 billion na ang naibigay para sa mga proyekto. Naglunsad din ang Pag-IBIG ng 4PH Online Sign Up para sa mas madaling pagpili ng mga bahay gamit ang smartphone.

Nanindigan si Acosta na ang pabahay ay karapatan ng bawat Pilipino, at hindi dapat ituring na pribilehiyo. Patuloy rin ang paglago ng ipon ng mga miyembro, na umabot sa P40.41 billion sa unang quarter ng 2025.