Masyado pang maaga para i-downgrade ang alert level status ng National Capital Region, ayon kay Dr. Rontgene Solante, head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Department ng San Lazaro Hospital sa Manila.
Bagama’t totoong bumababa na nga ang healthcare utilization sa Metro Manila sa ngayon, hindi naman aniya ito significant pa at talagang kailangan na ikonsidera rin aniya ang kalagayan ng mga healthcare workers.
Sinabi ni Solante na maraming mga ospital ngayon sa NCR na ang mga health workers ay nag-leave o nagkakasakit kahit pa mataas-taas sa ngayon ang healthcare capacity sa kasalukuyan.
Bago magdesisyon na babaan ang alert level sa Metro Manila, sinabi ni Solante na dapat tingnan kung mayroon nga bang tama o sapat na mga tao na mag-aalaga sa mga pasyente.
Kung siya ang tatanungin, sinabi ni Solante na mas mainam kung palawigin hanggang sa katapusan ng kasalukuyang buwan ang Alert Level 4 sa NCR.
Nauna nang sinabi ng Malacanang na mayroong “good chance” na ang alert level sa NCR ay maibababa kasunod ng mga reports na ang reproduction rate ng COVID-19 virus ay bumaba na sa 0.6 percent, habang ang positivity rate naman ay nasa 13 percent.