Nakatakda nang simulan ang konstruksiyon para sa ilang mga itatayong facilities sa Pag-asa Island.
Ito’y matapos makuha ng Department of National Defense (DND) ang kontrata sa pagpapatayo ng ramp at tarmac sa nasabing isla na bahagi ng terrotoryo ng Pilipinas sa West Philippine sea.
Ayon kay DND Secretary Delfin Lorenzana, kanila nang ipinauubaya sa contractor Kung kailan sisimulan ang konstruksyon.
Sinabi ni Lorenzana na dapat sana ay bago pa ang buwan ng Hulyo nasimulan ang konstruksyon noong hindi pa maalon ang karagatan.
Ngayon aniya ay medyo mahihihirapan na silang magdala ng mga construction materials doon dahil sa masama na ang kondisyon ng karagatan.
Nauna rito, inanunsyo ng pamahalaan ang plano na i-develop ang isla na kasalukuyan nang may military detachment at isang maliit na komunidad.
Una na ring sinabi ni Lorenzana na bukod sa pagsasaayos ng paliparan, magtatayo rin ng pier at mga pang-komersyong istraktura tulad ng ice plant sa naturang isla para sa benepisyo ng mga residente roon at mga mangingisdang dumadaong sa lugar.
Hindi naman aniya nila nakikita na magkakaroon ng problema sa mga ibang claimant countries sa West Philippine Sea dahil matagal nang okupado ng Pilipinas ang Pag-asa island.