Reading Time: 1 minute

NAGA CITY – Kinumpirma ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo “Pido” Garbin na kampante silang mapipigilan nila ang hakbang ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) na tuluyang pagbawal sa mga provincial buses sa EDSA.

Ito’y matapos mag-file na sila ng urgent motion para sa hinihinging temporary restraining order (TRO) at preliminary injuction laban sa naturang hakbang.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Garbin, sinabi nitong kampante sila na papabor sa kanila ang batas at makakakuha pa rin ng inaasahang TRO.

Ayon kay Garbin, may sapat silang ebidensya at basehan para bigyang-diin na hindi nararapat ang kautusan na pagbabawal na makadaan sa EDSA ang mga provincial buses mula Agosto 1.

Aniya, isang uri ng kapritso lamang ito para ipakita kay Pangulong Rodrigo Duterte na may ginagawa ang mga taong may hurisdiksyon sa problema sa trapiko sa EDSA.

Sa ngayon, hinihintay na lamang aniya nila ang magiging desisyon ng korte sa kanilang kahilingan.